Lunes, Pebrero 25, 2013

Parang Birthday Lang


Image c/o Taopo.org


“Lilipas din yan...”

Ito ang madalas na dayalog ng ibang tao pag binabati tuwing birthday nila. At ito rin marahil ang sinasabi para mapakalma ang mga motorista at pasaherong aburidong naiipit sa trapik tuwing a-beinte singko ng Pebrero.

Para sa mga nagbebertdey, ito ang pinakamainam na palusot para makaiwas sa mga nagnungulit na nagpapalibre. Ngunit sa kabila ng mga sumisigaw ng “Blowout! Blowout!” may dahilan para di mo gustuhing lumipas agad ang bertdey mo. Ang araw na ito ay panahon upang balikan ang mga naranasan mo sa nakaraang taon, sariwain ang mga masasaya at malulungkot alaala. At ito rin ang tamang oras upang pagnilayan ang mga aral na natutunan sa nagdaang taon, siyempre pa, panahon rin ito upang mangarap kasama ang mga mahal sa buhay at mga kaibigan (oo, pati ang mga ungas na nagpapalibre) para sa isa na namang magandang taon.

Marahil nagtataka ka kung ano ang kuneksyon ng bertdey sa EDSA. At kung binabasa mo ito habang naka-stuck sa trapik sa EDSA, malamang ay naaaburido ka na dahil di pa rin tapos ang programa dun sa may People Power Monument sa tapat ng White Plains.

Ngunit habang hinihintay mo na umusad ang Honda Civic na nasa harapan, maganda siguro na pagnilayan ang nakaraang taon. Ano nga ba ang nangyari sa Pinas sa loob ng labindalawang bywan? At ano ang iyong natutunan sa mga pangyayaring ito? Oo, kahit di ka man direktang sangkot sa mga tagumpay at trahedya ng bansa sa nagdaang taon, tiyak na marami kang natutunan. At kasama mong natuto ang milyun-milyong Pinoy na tumutok sa mga kaganapan.

At sa pag-usad ng mga sasakyan, nawa’y maisip mo kung pano maibabahagi sa iba ang iyong natutunan nang sila ay umusad rin.  At bago mo palipasin ang araw na ito, mangarap ka kasama nila ng isang magandang bukas para sa bayang iyong kinatatayuan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento